Lumobo sa panibagong record-high na P7.160 trilyon ang utang ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagtatapos ng Setyembre 2018.

Sa datos na inilabas ng Bureau of the Treasury (BTr) nitong Biyernes, P55.92 bilyon ang nadagdag sa utang ng bansa mula sa nakaraang buwan ng Agosto.

Pumalo sa P4.587 trilyong ang panloob na utang ng bansa o domestic debt; habang nasa P2.572 trilyon naman ang panlabas na utang ng bansa o foreign debt.

“The increment in external debt was due to net availments of foreign loans amounting to P22.52 billion and the P29.68-billion impact of local currency depreciation against the US dollar,” ayon sa pahayag ng BTr.

Humina ang piso mula sa P53.475 noong Agosto sa P54.102 sa pagtatapos ng Setyembre.

Nauna nang sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na, “the rule of thumb is that a country with a debt-to-GDP [gross domestic product] ratio below 60 percent is fiscally sound ... The Philippines is comfortably below that ...”-- FRJ, GMA News