Bangkay na nang matagpuan ang isang lalaki matapos siyang paghahampasin ng baseball bat dahil umano sa love triangle sa San Carlos, Pangasinan.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Martes, sinabing natagpuan ng pulisya ang bangkay ng lalaki sa isang bypass road hatinggabi noong Sabado.
Natagpuan naman sa may hindi kalayuan ng bangkay ang baseball bat na pinaniniwalaang ipinanghataw sa biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na love triangle ang ugat ng krimen.
Patuloy na hinahanap ang salarin na mahaharap sa reklamong murder.
Tinungo ng GMA Regional TV ang bahay ng biktima ngunit tumangging magbigay ng pahayag ang kaniyang kaanak. —Jamil Santos/VBL GMA News
