Isang tatlong taong gulang na lalaki ang paulit-ulit na sinapak at sinipa ng partner ng kaniyang ina sa Barangay Western Bicutan sa Taguig.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa isang video ang pagmamaltrato ng babae sa bata nitong Lunes.
Sa kabila ng paghagulgol ng bata ay hindi pa rin tumigil sa pananakit ang babae.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na partner ng ina ng bata ang 28-anyos na nahuli-cam sa viral na pananakit.
Natuklasang lasing ang suspek at nakaaway ang kaniyang partner, bago pinagbalingan ng galit ang batang lalaki na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Sinagip ng mga awtoridad ang bata matapos i-report ng kaniyang tiyuhin ang insidente.
Ligtas at nasa maayos nang kalagayan ang biktima na nasa kustodiya ng Taguig City Social Welfare and Development Office. Inaresto naman ang suspek.
Tumanggi ang ina ng bata na ireklamo ang kaniyang partner kaya makakasama siya ng suspek sa mga sasampahan ng reklamong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek. —Jamil Santos/AOL GMA News
