Sa gitna ng mga usap-usapan na may panibagong kudeta na niluluto para magpalit ng liderato sa Senado, sinabi ni Senador Rodante Marcoleta na “mas masahol pa kay Judas” ang sinumang kasapi nila sa mayorya ang kakalas at lilipat sa grupo ng minorya.
Ayon kay Marcoleta, magkapareho ang kanilang sintemyento ni Senadora Camille Villar, na kabilang sa mga miyembro ng majority bloc na dumalo sa caucus noong gabi nang mangyari ang putukan ng baril sa Senado noong nakaraang linggo.
"Mas masahol pa kay Judas, ang magju-Judas sa amin. Wala kaming pag-uusap. Sinabi ko lang sa grupo naming [sa mayorya]," pahayag ni Marcoleta sa mga mamamahayag nitong Martes.
Sa Kristiyanismo, si Judas Iscariot na isa sa 12 apostoles ang naghudas o nagtaksil kay Hesus kapalit ng 30 pirasong pilak sa Hardin ng Getsemani. Ang pagkakadakip kay Hesus ay nauwi sa Kaniyang pagkakapako sa krus.
Ayon kay Marcoleta, kasama siya ng mga senador na kasapi ng majority bloc na nagpupulong nang mangyari ang putukan ng baril sa Senado. Aniya, hindi siya natakot nang madinig ang putukan ng baril.
"Hindi ako natakot, nalungkot ako para sa aking bansa. Kailangan ba mangyari yun?" sabi ng senador.
Noong Mayo 11, bumoto ang mga senador para sa pagbabago ng liderato bago ang ginawang pagsusumite ng Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Sa pamamagitan ng 13 boto, nahalal si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President kapalit ni Tito Sotto.
Noong nakaraang linggo, ilang putok ng baril ang narinig sa loob ng Senado noong Miyerkules ng gabi habang naka-lockdown ang gusali.
Itinanggi ni Marcoleta na may kinalaman ang mayorya sa nangyaring kaguluhan.
"Gaano kayaman ang imagination ng isang tao na kami ang gagawa noon? In-extend namin ang caucus kasi tumawag ang House [of Representatives], totoo naman eh. Sinubmit nila ang Articles of Impeachment, nagbi-briefing kami, hindi pa kami nangangahalahati, biglang may putukan," kuwento ni Marcoleta.
Nang mangyari ang putukan, nasa pangangalaga ng Senado si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na nauna nang tinangkang arestuhin ng mga ahente ng National Bureau of Investigation sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court.
Ang arrest warrant ay bunga umano ng partisipasyon ni Dela Rosa sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan nagsilbing dating hepe ng Philippine National Police si Dela Rosa.
Ngunit ilang oras matapos ang putukan, pasikretong umalis ng Senado si Dela Rosa. – FRJ GMA News

