Inihayag ni Kris Bernal na isa pang baby ang kaniyang naging birthday wish nang ipinagdiwang niya ang kaniyang ika-37 taong kaarawan nitong Linggo.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, naging bisita sa programa sina Kris at Beauty Gonzales, na mga bida sa GMA Afternoon Prime series na "House of Lies."

Sinabi ni Kris na nais niyang magkaroon ng kalaro ang panganay niyang anak na si Hailee.

"Sana ma-bless pa ng another baby. Gusto ko pa ng maraming maraming baby," sabi ni Kris, nang tanungin ni Tito Boy kung ano ang kaniyang naging birthday wish.

"Kasi parang 'pag isa lang, 'pag nakikita kong walang kalaro 'yung anak ko, parang ang sarap siguro ‘pag marami siyang kalaro, marami siyang kausap, marami siyang napagshe-share-an ng mga gamit niya," dagdag niya.

Kasal si Kris sa negosyanteng si Perry Choi. Isinilang naman si Hailee noong 2023.

Samantala, gaya ni Kris, may isang anak din si Beauty at asawa nitong si Norman Crisologo.

Gayunman, sinabi ni Beauty na okay na sa kaniya ang pagkakaroon ng isang anak.

Kasama nina Kris at Beauty sa "House of Lies," sina Mike Tan, at Martin del Rosario. — FRJ GMA News