Patay ang isang lalaki na armado ng itak at hinabol ng taga ang isang rider sa kalsada matapos siyang mabaril ng rumespondeng pulis sa Pasig City.

Sa isang ulat ng GMA News Saksi, makikita sa CCTV footage ang lalaking armado ng itak na hinabol ng taga ang isang rider sa Barangay Caniogan.

Natamba ang dalawa at napag-alaman na may tama na noon ng bala ang lalaking nag-amok matapos na mabaril ng pulis.

Nasawi ang lalaki na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan, habang nasugatan ang rider pero nakaligtas.

Nakuha ang lalaki ang isang itak na may habang 20 pulgada.

Ayon sa isang saksi, basta na lang nanghabol ng itak ang lalaki.

Sinabi naman ni Rommel Umali, security force ng barangay, nauna nang inaawat ng mga pulis ang lalaki pero nanlaban ito at inatake ang awtoridad.

Wala na umanong nagawa ang pulis kung hindi barilin ang lalaki.

Batay naman sa inilabas na pahayag Easter Police District, bumunot na ng baril ang kanilang tauhan at pinaputukan ang lalaki dahil sa may banta na sa kanilang buhay at maging sa mga taong dumadaan sa lugar.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. – FRJ GMA News