Inihayag ni Paul Jake Castillo ang labis na pagmamahal sa kaniyang kabiyak na si Kaye Abad, na naunang inihayag sa kaniyang ika-44 na kaarawan ang pinagdaang laban niya sa sakit na breast cancer.
Sa Instagram, nag-post si Paul Jake ng isang black-and-white photo ni Kaye, na tinawag niyang “the person who keeps this family tight.”
Saad pa ni Paul Jake kay Kaye, “We love you sooo much!!! We love you so much!!!”
Una rito, naging viral si Kaye matapos na ilabas ng aktres ang kaniyang birthday episode vlog, kung saan inihayag niyang cancer-free na siya matapos ang mahigit isang taong pakikipaglaban sa sakit.
"I’ve been waiting for this day," ani Kaye.
Sa vlog, ikinuwento ng aktres na nagsimula ang kaniyang health journey noong Setyembre 2024 nang makaranas siya ng pananakit ng tiyan. Noong una, inakala niyang isa lamang itong pag-atake ng hyperacidity, ngunit nabahala siya nang tumagal ito ng anim na oras.
Kalaunan, sumailalim si Kaye sa full stomach ultrasound, at natuklasan na marami siyang gallstones.
Matapos operahan upang alisin ang gallstones, pinayuhan siya ng kaniyang doktor na sumailalim sa mammogram dahil sa kaniyang edad (42-anyos siya noon).
Sinunod ni Kaye ang bilin ng duktor at natuklasan sa mammogram test na positibo siya sa breast cancer.
“Ang clear lang sa akin is ‘yung sinabi niya na from the photo sa mammogram: it’s 95% malignant,” saad niya sa vlog.
Lumipad patunong Singapore sina Paul Jake at Kaye upang doon magpagamot. Matapos ang isang taon, masayang idineklara ng aktres ang sarili bilang cancer survivor. — FRJ GMA News

_2026_05_18_15_07_41.jpg)