Sa loob ng piitan, iginiit ng pulis na inaakusahang nanggahasa sa 15-anyos na anak ng nahuling drug suspect sa Maynila, na inosente siya at gawa-gawa lang ang bintang laban sa kaniya. Naghihinanakit din siya dahil nasira daw ang inaalagaan niyang pangalan.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sinampahan na ng reklamong rape at administratibo si Police Officer 1 Eduardo Flores Valencia, kaugnay sa alegasyon na hinalay niya ang dalagitang biktima kapalit ng pagpapalaya sana sa magulang niya na sangkot umano sa droga.
Nitong Linggo, iniharap sa media ni National Capital Region Police Office Chief Director Guillermo Eleazar at sinermonan si Valenciana matapos lumitaw sa pagsusuri na positibong "ginalaw" ang biktima.
Sa kabila nito, nanindigan si Valencia na nagsisinungaling ang biktima at naglabas pa ng hinanakit dahil sa pagkasira ng iniingatan niyang pangalan.
"Diretsahan kong pinasisinungalingan yung sinabi ng bata na 'yon. Yung bata na 'yan sa totoo lang po 'to, isa sa mga...kasama sa drug activity ng pamilya nila," ayon sa pulis.
Giit pa niya, "Kung totoo po yung ganung pangyayari 'di sana po nasa laya na magulang niya."
Hindi na rin daw bago na binabaliktad ng mga nahuhuling suspek ang mga pulis na nakakahuli sa kanila. Kaya naman naiyak na lang siya dahil nadungisan umano ang kaniyang pangalan.
"Ang dami kong nagawang mabuti sa PNP, nagbuwis ako ng buhay. Ang dami kong nahuli na high value target, muntikan na akong mamatay hindi ako na-media nang ganito. Sa isang pagkakamali lang, sa isang bintang," saad niya.
Base sa testimonya ng dalagita sa Manila Police District, dinala umano siya ng pulis sa motel matapos na mahuli at ikulong ng mga operatiba ng Station 4 noong Oktubre 25 ang kaniyang ina at amain.
Ayon kay MPD District Director Police Chief Superintendent Rolando Anduyan, posibleng sinamantala ni Valencia ang sitwasyon ng dalagita at mga magulang nito.
Ayon sa ulat, kumukuha na ng kopya ng CCTV ng motel ang MPD pero hindi pa umano nagbibigay ang establisimyento.
Nasa pangangalaga naman ng Department of Social Welfare and Development ang dalagita. --FRJ/KBK, GMA News
