Bukod sa walang pinipiling oras ang trabaho ng isang embalsamador, kailangan din daw ng tiyaga dahil hindi umano basta-basta ang paghahanda sa labi ng isang namayapa. Bukod pa rito ang paminsan-minsan na hindi maipaliwanag na pangyayari kapag ginagawa ang kanilang trabaho.
Sa ulat ni Rhea Santos sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, itinampok ang buhay ng magkapatid na sina Irish at Wil-ian Tajuna, na parehong licensed embalmer.
Nakalakihan na raw nila ang punerarya kaya naman namana nila ang pagiging embalsamador ng kanilang ama at ito na ang kanilang naging hanapbuhay.
"Sa totoo lang, pinilit po ako ng tatay ko. Dahil panganay ako, para mapakita ko raw du'n sa mga kapatid ko na madali lang, kaya naman namin," pag-amin ni Irish.
Kung napilitan lang si Irish, si Wil-ian, kusang loob naman daw dahil sa kagustuhan niyang tumulong sa pamilya.
Hindi rin daw biro ang paghahanda ng isang bangkay bago maiburol.
"Kailangan siyempre nakasuot 'yung personal protective equipment mo," ani Wil-ian.
"Lilinisan mo, paliliguan mo, idi-disinfect mo bago ka mag-proceed doon sa embalming process. Kung normal or walang gaanong ibang klaseng pagkamatay, four to five hours," sabi naman ni Irish.
Maliban sa kalaban nila ang pagod at puyat, may kasama rin daw itong katatakutan kung minsan na magpapataas sa kanilang balahibo.
"Nilatag ko lahat ng makeup, unti-unti siyang nawawala. Tapos may mga sound, may mga ganiyan, or minsan may mararamdaman ka pa na talagang maggu-goosebumps ka," kuwento ni Irish.
Ngunit sulit daw ang kanilang pagod sa tuwing nagagawa nilang ihatid nang maayos ang yumao sa huling hantungan nito.
Para kay Wil-ian, "Tinuturing naming pamilya lahat ng nabibigyan namin ng serbisyo."
"Para sa akin, siyempre pagka ganoon, kahit anong trabaho naman na ma-appreciate, du'n mo mari-realize na bakit nga kailangan ng embalmer," sabi ni Irish.
Ipinagmamalaki ng magkapatid ang kanilang napiling propesyon, at aminado sila na ang pamilya nila ay nabubuhay nang dahil sa mga patay. -- Jamil Santos/ FRJ, GMA News
