Kahit sinampahan na ng kasong rape at administratibo, aalamin pa rin umano ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang katotohanan sa paliwanag ng pulis-Maynila na gawa-gawa lang ang alegasyon na ginahasa niya ang 15-anyos na anak ng nadakip na drug suspect para mapalaya ang mga magulang nito.
Sa panayam ng GMA News TV's "News To Go" nitong Miyerkoles, sinabi ni PNP Director General Oscar Albayalde na posibleng "palusot" o alibi lang ni Police Officer 1 Edgardo Valencia ang pahayag nito na nais lang siyang siraan dahil sa pag-aresto sa mag-live in na sangkot umano sa droga.
"Meron pong nangyaring ganyan, actually marami na rin pong na-dismiss na pulis because of counter charges, pero titingnan natin ito kung ito ay alibi lang niya. Hindi naman po tayo puwedeng basta-basta maniwala doon sa kaniyang alibi," paliwanag ni Albayalde.
Ayon sa pinuno ng kapulisan, dapat patunayan ni Valencia sa korte ang kaniyang depensa.
"Let him prove that in court. Ang sa atin naman po ay kahit na ma-dismiss or kahit na hindi po magdemanda 'yung biktima rito ay puwede rin po siyang (Valencia) ma-pursue 'yung kaniyang administrative case at puwede pa rin... 'yan ay kadahilanan para ika-dismiss niya sa serbisyo," paliwanag ni Albayalde.
Kasalukuyang nakakulong si Valencia matapos siyang arestuhin at sampahan ng kasong kriminal at administratibo dahil sa reklamo ng 15-anyos na babae na ginahasa siya ng pulis kapalit ng pagpapalaya sa kaniyang ina at ama-amahan na naaresto sa kasong droga.
Pero iginiit ni Valencia sa nakaraang panayam na gawa-gawa lang ang bintang sa kaniya para siya siraan. Idinahilan din ng pulis na karaniwan nang nagbabato ng kontra-alegasyon ang mga nasasakote nila sa droga.
READ: Pulis na nanggahasa raw sa anak ng naarestong drug suspect, naiyak sa pagdepensa sa sarili
Ayon kay Albayalde, dalawang taon pa lang sa serbisyo si Valencia.
"Unang-una po ay alam ko nasa two years in the service pa lang ito, PO1 lang, so how can he tell na ganiyan ang kalakaran na sinasabi niya, na kabago-bago niya sa PNP?," ayon sa opisyal ng PNP.
Idinagdag ni Albayalde na kasama na rin iimbestigahan ang immediate supervisor ni Valencia, kung mayroon pa itong kasabwat.
"Kapag po may ganiyang kagagawan ang mga subordinates ay pati po ang immediate superior ay iniimbestigahan natin," aniya. — FRJ, GMA News
