Naaresto ang isang residente sa Marikina City pagkatapos nitong manita ng mga pulis na nag-park ng kanilang mga police mobile sa tapat ng kanyang bahay kung saan rin nakapuwesto ang kaniyang tindahan ng bulaklak.
Ayon sa ulat ni JP Soriano sa Balitanghali ngayong Biyerenes, inaresto ang lalaking si Robert Paz matapos mapansin ng mga pulis na may sukbit na baril si Paz sa tagiliran habang pinagagalitan umano nito ang mga pulis dahil sa maling parking malapit sa Loyola Memorial Park.
Ayon sa mga pulis, pabalang na tinanong ni Paz ang mga pulis kung paparada ba ang mga sasakyan nito sa tapat ng kanyang tindahan. Doon na nakita ng mga pulis ang baril sa tagiliran ni Paz na pinagsisigawan rin umano ang mga pulis.
Nakapagpakita naman ng lisensya ng baril si Paz, ngunit hindi pa rin ito naging sapat para palayain siya dahil inaalam pa ng pulisya kung meron rin siyang permit to carry.
Tumangging magbigay ng pahayag ang kampo ni Paz.
Ayon kay P/chief Supt. Bernabe Balba na District Director ng Eastern Police District, maaari pa ring maging banta ang isang tao kahit lisensiyado ang baril nito.
Sa Loyola Memorial rin nangyari ang isang alitan dahil sa trapiko noong October 31, 1998 kung saan nabaril ng isang Innocencio Gonzales ang sasakyan ni Noel Andres.
Nauwi ito sa malagim na trahedya dahil naging sanhi nito ng pagkamatay ng buntis na misis ni Andres na si Feliber. —Llanesca T. Panti/JST, GMA News
