Bugbog-sarado ang inabot ng isang pitong-taong-gulang na lalaki dahil sa pang-aabuso umano ng kaniyang sariling ama sa Valenzuela City. Ang biktima, nagtamo ng mga pasa at sugat sa ulo at katawan at pinalo pa umano ng bakal na bareta de cabra.



Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, kinilala lang ang batang biktima sa pangalang "Junjun," na sinasaktan umano kapag lasing ang ama.

Ang mga kapitbahay umano ang nagsumbong sa mga awtoridad kaugnay sa ginagawa ng suspek sa kaniyang anak kaya sinagip ang bata at inaresto ang ama.

Sa imbestigasyon ng Women and Children's Protection Desk ng Valenzuela Police, sinabi ng batang biktima na sinaktan siya ng kaniyang lasing na ama noong Lunes ng gabi.

Naulit daw ang pananakit nitong Huwebes kung saan tumama pa ang ulo ng biktima sa isang pako.

"Sa pag-iimbestiga medyo may kakulitan daw 'yung bata kaya everytime nalalasing nga itong magulang iyon ang kaniyang ginagawa yung saktan ang kaniyang anak," ayon kay Chief Inspector Jose Hizon, hepe ng investigation unit ng Valenzuela Police.

Pero dagdag niya, "It's not a justifiable reason kasi nga under the law, bawal saktan ang mga bata lalo na 'pag menor de edad."

Mariing itinanggi naman ng ama na sinaktan niya ang anak at sinabing ang mga bukol at sugat sa ulo na tinamo ng bata ay dahil sa pagkakabundol noong 2016.

Samantalang ang iba pang sugat ng bata, dahil daw naitulak niya nang malakas nang umuwi ito nang dis-oras ng gabi.

"Tinulak ko, napalakas tulak ko, akala ko tatama sa kutson pero tumama sa kahoy. Parang naano ako sa kaniya...tumaas dugo ko,” sabi ng suspek.

Nakonsensiya naman daw siya sa kaniyang ginawa at humingi siya ng tawad sa anak.-- Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News