Naging usap-usapan sa social media ngayong Martes ang pagbasa ni Vice President Leni Robredo para sa mga kabataan sa Tondo dahil sa pamagat ng librong kaniyang binasa.

Paliwanag ni Robredo sa kaniyang napili: "Nung first time ko nakita iyon, naaliw ako kasi, parang, iyong irony. Saka 'yung representation.”

Lider si Robredo ng oposisyon kay President Rodrigo Duterte, na kilala sa palayaw na Digong. Dilaw naman ang kulay kung saan kilala ang Liberal Party, ang partido ni Robredo.

Pero bukod dito, may payak na dahilan pa si Robredo sa pagpili ng naturang libro. “Maganda iyong kuwento. Napakalaki nung aral para sa mga bata,” aniya.

Ang librong Digong Dilaw ay iniakda ng National Artist na si Virgilio S. Almario noong 2003. Tampok sa kuwento si Digo, isang batang mahilig sa mga bagay na kulay dilaw, na bigla na lamang nagising isang araw na mayroong kapangyarihang gawing dilaw ang lahat ng bagay. —JST, GMA News