Naputulan ng braso ang isang rider sa Plaridel, Bulacan matapos masagasaan ng truck.
Sa ulat sa "GMA News TV Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, binabaybay ng rider na si Rodelio Magtalas ang Maharlika Highway nang mangyari ang aksidente.
Natumbok umano ng kasunod na truck ang motorsiklo, kaya't natumba siya at nasagasaan.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima pero kinailangan nang putulin ang kanyang braso dahil sa pinsalang natamo.
Ayon sa pulisya, hindi napansin ng driver ng truck na nag-overtake ang nadisgrasyang rider.
Nagka-areglo na ang dalawang panig matapos mangako ang driver ng truck na sasagutin niya ang lahat ng gastusin ng biktima. Dona Magsino/ LDF, GMA News
