Inabsuwelto ng Sandiganbayan nitong Biyernes sa kasong pandarambong si dating Senador Ramon "Bong" Revilla Jr.  kaugnay sa umano'y maanomalyang paggamit sa kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), na kilala rin sa tawag na pork barrel fund.

Gayunman, guilty naman ang hatol ng anti-graft court sa mga kapwa akusado ni Revilla na sina Janet Lim Napoles at Atty. Richard Cambe, at sinentensiyahan ng "reclusion perpetua."

Si Cambe ay dating tauhan ni Revilla sa Senado, habang negosyante naman si Napoles, at itinuturong utak umano sa naturang scam.

Inutusan din ng korte sina Napoles at Cambe na ibalik ang "solidarily" ang P124 milyon sa pamahalaan. Hindi na rin sila maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Matapos maabsuwelto, kaagad na naglagak si Revilla ng P480,000 na piyansa para sa hiwalay na kasong katiwalian na kaniyang kinakaharap para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.

"Of course because I know that I’m not guilty. Noon ko pa sinasabi na wala akong kasalanan," sabi ni Revilla kaugnay sa naging desisyon ng korte.

Ang Sandiganbayan First Division na may limang mahistrado ang duminig sa naturang kaso at 3-2 ang naging boto para pawalang-sala si Revilla.

Sina Associate Justices Geraldine Faith Econg, Edgardo Caldona at Associate Justice Georgina Hidalgo, ang bumoto para pawalang-sala si Revilla. Samantalang sina Associate Justice Efren Dela Cruz at Associate Justice Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta, ang kontra.

Naniniwala ang tatlong mahistrado na nabigo ang prosekusyon na patunayan na tumanggap si Revilla ng P224.5 milyong "kickback" mula sa pondo ng kaniyang PDAF, na umano'y pinadaan sa mga bogus foundations ni Napoles mula 2006 hanggang 2010.

"For failure of the prosecution to establish beyond reasonable doubt that accused Ramon 'Bong' Revilla Jr. received, directly or indirectly the rebates, commission, and kickbacks from his PDAF, the Court cannot hold him liable for the crime of plunder. Accordingly, he is acquitted," ayon sa desisyon.

Habang dinidinig ang kaso, nakadetine si Revilla sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame mula pa noong June 20, 2014 matapos ipaaresto ng Sandiganbayan.

Nagpasya naman si Ombudsman Samuel Martires na huwag nang iapela ng prosekusyon ang desisyon ng Sandiganbayan kaya magiging "final and executory" na ito.

Sinabi ni Assistant Special Prosecutor Mariter Delfin Santos na "disappointed" ang lupon ng prosekusyon sa desisyon, habang inihayag ni Deputy Special Prosecutor Manuel Soriano na pag-aaralan pa nila ang ibang legal na hakbang.— FRJ, GMA News