Nabisto ng mga awtoridad ang modus sa ATM ng isang babaeng sinasabing miyembro ng tinaguriang Glue Gang sa Mandaue City.

Ayon sa ulat ni Chona Carreon ng Balitang Bisdak sa Balita Pilipinas Ngayon, nasa kustodiya na ngayon ng investigation and detective management division ng Mandaue City Police ang suspek na si Lunalyn De Pedro, 35 anyos, ng La Paz, Iloilo City.

Modus daw ni De Pedro na mag-alok ng tulong sa mga senior citizen na nahihirapang mag-withdraw ng pera , saka tatanungin ang PIN sa mabibiktma para siya na ang mag-input nito.

“Parang nagkakamali sa PIN number, sasabihin ng suspek ‘Ako na lang maglalagay ng PIN’ pero (sasabihin ng suspek) ‘Uy ayaw’,” sabi ng officer-in-charge ng Mandaue City Police na si Police Senior Superintendent Julian Entoma

Nilalagyan pala ni De Pedro ng glue ang ilang buton sa keypad ng ATM kaya tila hindi ito gumagana.

Dahil hindi makapagpasok ng tamang PIN at hindi rin ma-eject ang card na parang kinain na ng ATM, pinapayuhan ni De Pedro ang biktima na mag-report agad sa bangko.

Kapag nakaalis na ang biktima, si De Pedro na ang magwi-withdraw sa pera gamit ang PIN at card.

Nabisto si De Pedro nitong Lunes ng isang taga-bangko kung saan nakuhaan pa ang naka-face mask pang suspek na laging tumatambay sa ATM sa loob ng isang mall sa bayan.

Ayon sa pulisya, miyembro ng sindikato si De Pedro.

“Maraming nabibiktima. May tumawag sa akin na taga-Region 6. Sabi nila, Capiz, Bacolod, Iloilo. Nagagalit nga yung regional director nila kasi sa daming reklamo galling sa mga banking institutions,” sabi ni Entoma.

Inamin ni De Pedro na sangkot nga siya sa modus. Sabi niya, limang taon na raw niya itong ginagawa sa Iloilo at ngayon sa Cebu na siya nambibiktima.

“Matagal na kasi kaming hindi sinusuportahan ng asawa ko. Ako lang yung bumubuhay sa mga anak ko at nagpapaaral,” paliwanag ni De Pedro.

Pinaalalahanan naman ng awtoridad ang publiko na huwag basta-basta magtitiwala para hindi mabiktima. —Joviland Rita/NB, GMA News