Isang 10-talampakang sawa ang namataan sa isang sasakyan at nasagip sa Barangay Mampang sa Zamboanga City.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang isang video mula sa Bureau of Fire Protection Zamboanga City Fire District na sa unang tingin, aakalaing may ginagawa lamang sa sasakyan ang mga tao sa parking area ng isang simbahan.
Maya-maya pa, lumitaw na ang sawa, na unang namataan sa makina ng sasakyan.
Nagtulong-tulong ang mga tauhan ng BFP para mahuli ang sawa, at matagumpay itong naisako, saka dinala sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources.
Naibalik naman sa kagubatan ang isang Northern Luzon giant cloud rat o Bu-ot sa Casiguran, Aurora.
Sinabi ng Municipal Environment and Natural Resources Office na nakita ang Bu-ot ng isang mag-anak at itinurn (turn) over sa kanila.
Sinuri at tiniyak na ligtas at malusog ang Bu-ot, bago ito pinakawalan ng awtoridad.
Ang Northern Luzon giant cloud rat ay isa sa pinakamalaking daga na matatagpuan sa bansa.
Sa Libon, Albay naman, isang patay na oarfish na tinatayang limang talampakan ang haba ang napadpad sa dalampasigan sa Barangay Pantao.
Sinabi ng mga eksperto, na madalas namamalagi ang oarfish sa malalim na parte ng dagat at bihirang mapadpad sa mababaw na parte.
Ang oarfish ay tinatawag ding doomsday fish dahil paniwala ng ilan, posibleng magkalindol kapag nakakita nito.
Sa Bongabon, Nueva Ecija maagang nag-ani ang mga magsasaka ng mga tanim nilang sibuyas matapos mameste ang mga harabas o uod at ibon sa Barangay Tugatog.
Sinabi ng mga magsasaka na ilang linggo pa dapat bago anihin ang mga tanim ngunit kaysa maubos ng peste, maaga na nilang inani ang mga pananim para magamit pa.
Naibenta na sa palengke ang ilang inaning sibuyas. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
