Isang detainee na ini-escort ng mga awtoridad ang sugatan matapos siyang magtangkang tumakas at barilin ng pulis sa Pandan, Catanduanes.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na nakatakda sanang dalhin ang detainee sa Office of the Provincial Prosecutor sa bayan ng Virac nitong Lunes para sa preliminary investigation.
Pero ilang saglit lang, kinuha ng detainee ang bag ng isang escorting officer bago tumakbo palayo.
Hinabol siya ng mga awtoridad hanggang sa barilin siya sa tuhod ngunit patuloy pa rin siya sa pagtakas.
Kalaunan, naabutan ang detainee at dinala sa ospital. Isinailalim naman sa imbestigasyon ang bumaril na pulis.
Mahaharap sa karagdagang reklamong resistance and disobedience to a person in authority ang detainee, na may kasong may kinalaman sa ilegal na droga. Hindi siya nagbigay ng kaniyang pahayag. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
