Nahuli-cam ang pag-atake ng ilang akyat-bahay sa Pasay City.

Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa "GMA 24 Oras" nitong Martes, nakunan ng CCTV ang panloloob ng dalawang lalaki sa isang apartment sa Barangay 184.

Sa video, makikitang ultimo payong at tsinelas, 'di pinalampas ng isa sa mga suspek.

Maya-maya pa, nabulabog at kumaripas na ng takbo pababa ang mga suspek dahil may residenteng nakakita sa kanila.

Sa hiwalay namang insidente sa barangay, nakunan din ng CCTV ang pagtangay ng isang magnanakaw sa isang flat screen TV.

Pasimple at marahan siyang naglakad palayo sa pinagnakawang bahay.

Babala ng mga awtoridad sa publiko, mag-ingat sa mga oportunistang ito na kung tawagin nila'y "salising ligid ligid."

"Kasi ini-ispatan nila 'yung mga bahay na pagnanakawan talaga nila. 'Pag nakakuha sila ng tyempo, 'yung ligid-ligid nun, unang tingin. Tapos pangalawa, babalikan na nila. Ibig sabihin nun papasukin na nila at pagnanakawan na nila," paliwanag ni Kagawad Teddy Rosales.

Ngayong magpapasko, pinaalalahanan din ng mga lokal ng opisyal ang mga residente na siguraduhing nakakandado ang kanilang mga bahay, lalo na kung magsisimbang gabi o 'di kaya'y dadalo sa mga party. —Dona Magsino/NB, GMA News