Mangangailangan ng libu-libong online English teacher na Filipino ang China na maaari umanong kumita nang hanggang P80,000 kada buwan.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing kakailanganin ng China ang dagdag na mga online teacher para maturuan ang mahigit 200 milyong K to 12 students nila sa loob ng limang taon.

Si Angie Dutaro ay isa lang sa mahigit 16,000 Pinoy online English teachers ngayon na natanggap sa pinakamalaking online English education company sa China.

Ayon kay Dutaro, malaking tulong sa kaniya ang trabaho at naaalagaan pa niya ang kaniyang anak dahil nasa bahay lang siya habang tinuturuan ang kaniyang estudyanteng nasa China.

Sabi ni Jack Huang, Founder and CEO, 51Talk, plano nilang kumuha ng 100,000 Pinoy na online English teachers sa susunod na limang taon.

Dahil halos pareho ang time zone o oras ng Pilipinas at China, pasok din daw ito sa schedule ng mga mapipiling guro.

Ang makukuhang mga guro, maaari umanong kumita ng P50,000 hanggang P80,000 kada buwan depende sa dami ng magiging kliyente at husay sa pagtuturo.

Pinoy daw ang nais na kunin ng China na mga guro dahil maliban sa bihasa sa wikang Ingles ay matiyaga ring magturo at mga palakaibigan.

Walang rin umanong age limit sa aplikante basta mayroong high speed computer at stable ang internet.

Ang Department of Information and communications Technology (DICT), suportado ang online English education industry sa China dahil magbibigay ito ng pagkakakitaan para sa mga Pilipino nang hindi na kailangang mag-abroad.-- FRJ, GMA News