Hindi pa magiging handa ang 2026 national budget hanggang Pasko, matapos ilipat ng Senado at Kamara de Representantes ang araw para sa pagraratipika ng panukalang badyet.
Sinabi ni Senate finance committee chairperson Sherwin Gatchalian na layunin ngayon ng dalawang kapulungan na iratipika ang P6.7-trilyong spending bill sa Disyembre 29, na isang linggo matapos ang naunang target sa Disyembre 22.
“Based on the time table ng mga staff, baka 28 ang pirmahan and 29 ang ratification kasi ‘yung pagbabalanse, pag-pi-print… kasi we have to reconcile our numbers with theirs. That process alone would take five days,” sinabi ni Gatchalian sa isang ambush interview matapos ang makasaysayang pag-uusap ng bicameral conference committee tungkol sa pambansang badyet nitong Huwebes ng umaga.
Sinabi ni Gatchalian na isinaalang-alang din ng bagong timeline, na ikinonsulta rin kay House appropriations panel chairperson Rep. Mika Suansing, ang Noche Buena at Pasko.
Layunin nilang ipadala ang naratipikahang panukala sa badyet sa Office of the President sa hapon ng Disyembre 29, dagdag niya.
Walang veto?
Dahil dito, may dalawang araw lang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para pirmahan ang pambansang badyet para sa 2026 at mag-veto ng mga item, kung kinakailangan.
“Paspasan talaga,” sabi ni Gatchalian.
Sa kabila ng pagmamadali, sinabi ni Suansing na may sapat na oras naman ang ehekutibo para suriing mabuti ang 2026 General Appropriations Bill (GAB).
“Simultaneous na ‘yung finalization ng enrolled bill ng GAB at review ng [Department of Budget Management], so rest assured, the executive has enough time to review the GAB before the President signs it,” paliwanag niya.
Ang pagsasaayos sa naantalang timeline ng badyet ay mangangailangan ng isa pang pagbabago sa kalendaryo ng lehislatura, na plano namang isakatuparan ng parehong kapulungan sa Lunes, ayon kay Suansing.
Sinabi nina Gatchalian at Suansing na tiwala silang walang ibe-veto ang Pangulo sa anumang item sa panukalang pambansang badyet.
“Throughout the whole process, very, very close coordination with us and the executive,” ani Suansing.
Ipagbibigay-alam din ng bicameral conference panel sa kani-kanilang ahensiya ang mga pagbabago sa kanilang badyet, dagdag niya.
“So yes we are confident that the President will not veto the budget." —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News

