Nasawi ang isang 51-anyos na babae matapos maatrasan at magulungan ng truck sa San Fernando City, La Union.

Ayon sa pulisya, napansin na lang ng driver ang ginang na pumailalim sa truck nang sumigaw  ang mga nakakita sa insidente.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, kinilala ang biktima bilang si Anastacia Renon.

Naghihintay lang daw siya ng masasakyang bus sa kahabaan ng Marcos Highway sa Barangay Sevilla nang maatrasan ng truck driver na si Christopher Orejudos.

Ayon sa imbestigasyon, magpapakarga sana ng gasolina si Orejudos pero umatras siya para pumunta sa ibang gas station nang malaman niyang mataas ang presyo.

"Kaya noong umatras siya hindi na niya namalayan na ito pa lang nahagip na niya itong matandang babae hanggang pumailalim, na parang nalaman na lang niya noong sumigaw na 'yung mga tao na nakakita doon sa may insidente," sabi ni Police Inspector Roy Toyoken ng San Fernando City police PIO.

Rumesponde ang pulisya at rescue team at nadala pa sa ospital si Renon, pero kalauna'y namatay din ito.

"Dinala namin sa may ITRMC Hospital ... kasi nagulungan talaga 'yung katawan niya, doon na talaga namatay sa ospital," sabi ni Toyoken.

Hindi na nagsampa ng kaso ang pamilya ng nasawi laban sa truck driver.

Ayon kay Ronnie Renon, asawa ng biktima: "Di daw niya nakita. Tapos tinanong ko sa kanya kung wala siyang pahinante, [Sabi niya] 'Meron', 'Ba't di siya bumaba', 'ka ko."

Nangako naman ang driver na tutulungan niya ang pamilya Renon sa mga gastusin. —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News