Pinagbabaril sa harap mismo ng kanyang istasyon ang isang pulis sa Guihulngan City, Negros Oriental.
Sa ulat sa "GMA News TV Quick Response Team" nitong Miyerkules, dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Senior Inspector Porferio Gabuya, deputy chief ng Guihulngan Police.
Nagkape lang umano sa labas ang pulis nang biglang pagbabarilin ng mga naka-motorsiklong suspek.
Hinala ng pulisya, mga miyembro ng New People's Army (NPA) ang pumatay kay Gabuya. Dati na umano kasing nakakatanggap ng pagbabanta mula sa NPA ang kanilang hanay.
Kabilang ang Negros Oriental sa mga lugar na saklaw ng Memorandum Order 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uutos na dagdagan ang pwersa ng mga sundalo at pulis upang masugpo ang karahasan. —Dona Magsino/NB, GMA News
