Nasunog ang mukha, leeg at dibdib ng isang siyam na taong gulang na bata matapos niyang spray-an ng alcohol sa apoy ng sinisigaan sa kanilang bakuran sa Dumaguete City.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabi ng ina ng bata na nahuli niya ang anak na naglalaro ng boga, kaya agad nila itong kinumpiska.
Ngunit hindi nila alam, nasa bata pa ang nabili niyang alcohol na pansindi ng boga.
Nang makita daw ng bata ang siga sa bakuran, inisprayan niya ito ng alcohol kaya ito nagliyab.
Ayon sa lolo ng bata na kagawad din ng barangay, agad siyang tumalon para iligtas ang bata mula sa apoy.
Isang siyam na taong gulang na bata rin ang dinala sa ospital nang masabugan sa mukha ng triangle sa Pamplona, Negros Oriental.
Sinabi ng Department of Health na may ilan pa rin ang nagmatigas sa kabila ng mas pinaigting na kampanya kontra-paputok.
Isa na lamang ang lalaking nakunan ng video habang nagpapaputok ng boga sa Batinguel, Dumaguete City.
Isa namang 15-anyos ang tinamaan ng kwitis sa Barangay Santa Lucia, Pagadian City sa Zamboanga del Sur.
Nakapulot ang batang lalaki ng kwitis sa kanilang bakuran, saka ito inilagay sa bote at sinubukang sindihan.
Pero nang hindi nagliyab, muli niya itong kinuha at inihagis, ngunit sumindi at lumipad papunta sa kaniya at nadaplisan ang kaniyang kamay.
Isinugod siya sa ospital.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na malaki sa kabuuan ang ibinaba ng bilang ng mga nabiktima ng paputok.
Naitala ang 139 na kaso lamang sa buong bansa mula Disyembre 21 hanggang 6am ng Enero 1, na mas mababa ng 68% kumapara sa pagsalubong ng 2018.
"This is historic biggest reduction in the fireworks related injuries," ayon kay Duque.
Ilan sa mga ilegal na paputok na nagdulot ng sakit sa mga nabiktima ay ang kwitis, boga, piccolo, luces, five star at triangle. —Jamil Santos/NB, GMA News
