Kalaboso ang isang ina sa Cebu matapos mamatay ang kanyang anim na taopng gulang na anak na lalaki dahil daw sa kanyang pananakit.
Ayon sa ulat ni China Carreon ng Balitang Bisdak sa Balita Pilipinas Ngayon, inalerto ng mga tauhan ng punerarya ang mga pulis matapos nilang makitaan ng mga pasa sa pisngi at katawan si Kent Joseph Cabataña.
Inamin ng ina na nasaktan niya ang batang may sakit dahil ayaw nitong uminom ng gamot
"Naganu'n ko lang siya. Tapos 'yung bibig niya pina-ganito ko kasi ayaw niya kasing uminom. Sabi ko, 'uminom ka na para maka-survive ka,' para mawala na 'yung sakit niya," sabi Felma Cataña, ina ng biktima.
Nag-request ng autopsy ang PNP para matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng bata.
Nitong Huwebes, kinasuhan ng parricide ang ina ng bata na si Felma Cabataña na inaresto noong December 30.
Sa imbestigasyon, nalaman mula sa mga kapitbahay ng mag-ina ang pagmamaltrato umano kay Kent Joseph.
"May bata daw doon na namatay. Nadala nila. Tapos pinuntahan namin sa punerarya," sabi ni Senior Police Officer 3 Joe Johnnesky Ynot, imbestigador ng San Remegio police station.
"Pagdating namin doon, sinabihan kami ng nanay na 'yung rason daw kung bakit namatay 'yung anak niya ay dahil sa lagnat," dagdag niya.
Iginiit ng suspek na hindi niya ginustong saktan ang kanyang panganay na anak.
"Wala akong balak. Ba't ko naman papatayin 'yung anak ko?...Mahal ko ang anak ko. anak ko siya," sabi ni Felma. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News
