Arestado ang isang taxi driver sa Makati City nang maaktuhan umano itong gumagamit ng shabu sa loob ng minamaneho niyang pampublikong sasakyan nitong Linggo.
Ayon sa mga pulis, nagpapatrolya sa kahabaan ng Apolinario Street sa Barangay Bangkal ang kanilang mga tauhan pasado alas-diyes ng umaga nang makita ang 57-anyos na suspek na si Jovy Ingalla na bumabatak ng iligal na droga sa loob ng kaniyang taxi.
Agad siyang inaresto ng mga pulis.
Nakuha sa kaniya ang isang pakete ng hinihinalang shabu at ilang shabu paraphernalia.
Mahaharap ang taxi driver sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Dona Magsino/LBG, GMA News
