Pumanaw ang magkapatid na bata nitong Biyernes matapos makulong sa nasunog nilang bahay  sa Barangay Bagong Barrio, Caloocan City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa "Balitanghali", sinabi ng Philippine National Police ng Caloocan na ang isa pa nilang kapatid ay nasa kritikal na kundisyon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Cedric James Valeros, 8, Chloe Valeros, 6.  Ang kapatid nilang si Alexandra ay apat na taong gulang.

Ayon sa ulat, naiwang nakakandado ang kuwarto ng mga biktima nang sumiklab ang sunog sa kanilang bahay.

Ayon sa isang barangay kagawad, umalis lang umano sandali ang tatay ng mga bata upang bumili ng pagkain at kinandado niya upang hindi lumabas ang mga anak.

Nang makita ang mga bata, isinugod agad sila sa ospital kung saan unang idineklarang kritikal ang kanilang kondisyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Caloocan, nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng inuupahang bahay ng pamilya Valeros at posibleng mula sa naiwang kandila.

Babala ng BFP, ibilin sa pinagkakatiwalaan ang bahay at ang mga anak kapag aalis. Higit dito, huwag iiwanan ang mga bata dahil hindi pa nila kayang protektahan ang kanilang mga sarili. —Kaela Malig/ LDF, GMA News