Muntik nang mapahamak ang isang traffic enforcer ng Quezon City nang magmatigas ang sinita niyang jeepney driver na lumabag umano sa batas-trapiko. Ang enforcer, hinawakan daw sa braso ng driver at saka humarurot.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, nakunan ng video ang ginawang pagsita ng traffic enforcer na si Ramer Nato, sa pampasaherong jeepney malapit sa kanto ng Aurora Blvd. at 15th Avenue sa Cubao.

Ayon kay Nato, nagmatigas daw ang driver na hindi ibigay ang lisensiya dahil wala raw siyang nilalabag na batas-trapiko sa loading-unloading zone.

Sa video, makikita na sandaling tumigil ang jeep at nagpunta si Nato sa tabi ng driver. Hindi nagtagal, muling umarangka ang jeep at halos makaladkad ang enforcer.

Kuwento pa ni Nato, hinawakan umano ng driver ang kaniyang braso nang hinihingi na niya ang lisensiya nito at saka pinatakbo muli ang sasakyan.

Mabuti na lang at nakakawala siya kaya nakabitiw sa sasakyan. Ipinakita din ng enforcer ang galos na tinamo sa braso.

Bukod sa sakit sa braso, naghihinanakit si Nato na tila maliit at hindi sila nirerespeto.

Ayon sa mga awtoridad, reklamong reckless driving at direct assault ang maaaring isampa laban sa tsuper na patuloy pa ring pinaghahanap.

Hihintayin umano ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board ang pormal na reklamo ni Nato para maipa-trace ang operator ng jeep.

Kung mapatunayang may paglabag, posibleng tanggalan ng lisensya ang tsuper at bawiin ang prangkisa ang operator nito, ayon sa LTFRB.-- FRJ, GMA News