Mayroon nang feature ang Facebook Messenger na "Unsend" kung saan puwede nang i-delete ang mga mensahe, lalo na kung ang mga ito ay wrong send.

Sa ulat ng GMA News TV "News To Go" nitong Huwebes, sinabing applicable ang "Unsend" feature sa parehong individual at group chats.

Maaaring burahin ang message para sa iyong sarili lamang o sa ka-chat mo or sa lahat ng nasa group.

Mawawala ang mensahe, pero idi-display pa rin ang katagang "You removed a message."

Maaari lamang gamitin ang "Unsend" feature sa loob ng 10 minuto matapos maipadala ang mensahe.

Makikita ang feature na ito sa pinakabagong bersyon ng Messenger sa lahat ng Apple at Android mobile devices.

Ginagamit na ang feature na ito ng mga rival chat platform tulad ng Viber at Telegram. — Jamil Santos/MDM, GMA News