Nauwi sa hampasan ng kawayan at dos por dos ang alitan ng dalawang lalaki sa Bago Bantay, Quezon City na ikinasawi ng isa sa kanila.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng CCTV sa Barangay Alicia habang nakatayo sa kanto si Eliseo de Jesus Blaza na siyang humawak ng dos por dos.
Hindi nagtagal, dumating naman si Nelson Magbag na sakay ng tricycle na siya namang humawak ng kawayan.
Nagsimula sa komprontasyon ang paghaharap ng dalawa hanggang sa mauwi na sa hampasan ng kani-kanilang hawak na kawayan at dos por dos.
Kahit natumba na umano si Magbag, ilan ulit pa rin daw itong hinampas ni Blaza ng dos por dos.
Isinugod sa ospital si Magbag pero binawian ng buhay nitong Huwebes.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na pareho umanong nakainom ang dalawa at nagkaroon ng pagtatalo bago pa ang nakunang komprontasyon nila sa CCTV.
Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad ang tumakas na si Blaza.-- FRJ, GMA News
