May dugo pa sa katawan at puno ng buhangin sa mukha ang isang bagong silang na sanggol na natagpuan sa gitna ng damuhan sa Agno, Pangasinan.

Ang ina ng bata, isa palang menor de edad at biktima umano ng panggagahasa.

Ayon sa ulat ni Russel Simorio ng Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, ilang oras na umanong nakasubsob sa lupa ang bata nang makita ito ng barangay kagawad at ilang mga residente.

Hindi raw maayos ang pagkaputol ng umbilical cord nito at nilalanggam na rin ang ilang bahagi ng katawan. Kaagad itong binalutan ng tela at ipinagbigay-alam sa mga awtoridad. Nasuri na rin ito ng doktor sa health center.

Ayon kay Dr. Joseph Lopez, municipal health officer ng Agno: "May sugat siya sa singit, abrasions and then yung meron ding namamaga dun sa left eye niya. Mukhang 'yung right after na ma-deliver siya siguro kasi mukhang sa lupa siya pinulot eh sa talahiban. Baka 'yun 'yung tumama, 'yung face niya."

Pero ani Lopez, nasa mabuting kalagayan naman sa ngayon ang mag-ina.

Kinilala lamang ang 15-anyos na ina bilang si "Juliet."

Biktima raw siya ng panggagahasa at itinago niya ang kanyang pagbubuntis sa kanyang magulang at kamag-anak.

Ayon sa kanyang ina, umuwi siya na duguan sa kanilang bahay.

"Pumunta pa du'n sa balon, naghugas ng paa kasi 'yung mga dugo, nandito sa paa pero noong umuwi sa bahay, doon na pinagsabihan ni tatay kung anong nangyari, kung anak nya ito, 'opo' (sabi niya)."

Makikipag-ugnayan daw ang pamilya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maisailalim sa counselling ang dalagitang ina.

Ayon naman sa lola ng bata: "Gusto ko, paglaki niya, pag-aralin namin, tapos para matulungan ang ina niya." —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News