Nagpaalala sa mga botante ang Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules kung anong marking pen ang gagamitin at paano ang tamang pag-shade o pag-itim sa balota para sa darating na May elections.

Muling ipinaalala si Comelec spokesperson James Jimenez na 25 porsiyento ang shading threshold, o babasahin ng vote counting machines ang mga boto kung  hanggang ikaapat na bahagi ng bilog ang naitiman.
 

 


Gayunman, ipinayo ni Jimenez na mas makabubuting itiman ang buong bilog at hindi dapat mangamba kung lumampas nang bahagya ang pag-itim.

“Hindi naman ito coloring book,” paliwanag niya.

Sinabi pa ni Jimenez na dapat gamitin ng mga botante ang mga marking pen o pang-shade na ibibigay ng Comelec para matiyak na babasahin ng mga VCM ang mga balota.

 

 

Babala niya, baka hindi basahin ng mga VCM ang mga balota kung lapis o ibang panulat ang gagamiting pang-itim sa bilog.

Hindi rin umano dapat sulatan o lagyan ng marka ang mga balota lalo na sa "timing marks" na ginagamit ng VCMs para basahin ang balota.

 



Mayroon din umanong mga "invisible security feature" ang mga balota na maaaring matakpan ng mga ilalagay na marka ng botante at maging dahilan para i-reject o hindi basahin ng makina ang balota.-- FRJ, GMA News