Walo katao ang sugatan nang pumalya ang fireworks display sa closing program ng Panagbenga Festival 2026 sa Baguio City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing napunta sa mga tao ang fireworks at sumabog na nagresulta sa pagkakasugat ng ilang nanonood.

Pito sa mga biktima ang mula sa Dagupan City, at isa naman ang mula sa Baguio City. Dinala sila sa ospital para gamutin ang tinamong mga pinsala sa katawan.

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente.

“’Yun ang inaalam kung ano ang cause ng incident whether ’yung firework itself or the person na nag-setup ng fireworks. Instead kasi na pumutok sa taas, bumagsak siya, nag-land siya doon sa kinaroroonan ng mga biktima at doon siya pumutok,” ayon kay Police Major Marcy Grace Marron, spokesperson ng Baguio City Police Office.

Nagkaloob umano ng pinansiyal na tulong sa mga biktima ang operator fireworks display. Ayon sa awtoridad, hindi pa nagdedesisyon ang mga biktima kung sasampahan ng reklamo ang operator ng fireworks display.

Sa isang pahayag, nabahala naman ang Baguio Flower Festival Foundation, Inc., nag-organisas ng Panagbenga Festival, sa nangyaring insidente.

Nananatiling prayoridad ng grupo ang kaligtasan ng mga residente at mga bisita. Patuloy din umano silang naka-monitor sa kalagayan ng mga biktima na hangad nila ang mabilis na paggaling. – FRJ GMA Integrated News