Hulicam ang panghoholdap ng isang lalaki sa isang estudyante sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Caloocan City noong Huwebes ng gabi.

Kwento ng 17 anyos na biktimang babae, pauwi na siya at malapit na sa kanilang bahay nang bigla na lang siyang inakbayan ng isang lalaki.

Pilit daw kinukuha ng lalaki ang kanyang cellphone. Tinutukan pa raw siya ng holdaper nang subukan biyang magpumiglas.

Sakto namang may pulis na nakasibilyan na dumadaan sa lugar. Nakita niya ang nangyayari at sinigawan ang lalaki. Agad daw na tumakbo ang lalaki.

Hindi pa nakakalayo ang suspek nang abutan siya ng taumbayan at kuyugin siya.

Kinilala ang suspe t na si Emmanuel Petallana.

Duguang dinala sa Bagong Barrio Police Station si Petallana. tumanggi siyang magbigay ng pahayag.

Mahaharap siya sa kasong robbery hold-up at child abuse.

Samantala, nangako naman ang mga awtoridad na paiigtingin pa ang seguridad sa lugar lalo na’t may ilang insidente na doon ng panghoholdap. — Darlene Cay/DVM, GMA News