Isang lalaki na nakaupo lang sa labas ng kaniyang bahay ang nasawi matapos tamaan sa dibdib ng ligaw na bala na mula sa airgun sa Mabalacat, Pampanga.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, kinilala ang pulisya ang biktima na si Raul Pangilinan, residente ng Barangay San Francisco.

Ayon sa pulisya, nakaupo ang biktima sa harap ng kanilang bahay noong bisperas ng Pasko nang may naramdaman siya sa dibdib na inakala niya noong una na binato lang siya.

Hindi nagtagal, may umagos nang dugo sa kaniyang dibdib at nawalan na ng malay ang biktima.

Dinala ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay.

Lumitaw sa imbestigasyon na galing sa airgun ang bala o pellet na tumama sa biktima.

Tumanggi muna ang pulisya na magbigay ng ibang detalye habang inihahanda ang posibleng pagsasampa ng reklamo sa kanilang person of interest.—FRJ GMA Integrated News