Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek sa tangkang pagpatay at posibleng paggahasa sa isang batang babae na nakitang duguan sa ilalim ng Ortigas extension bridge sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "Saksi" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Pepito Tagal, na ayon sa kaniyang mga kaanak na lulong umano sa droga.
Nakikipagtulungan umano sa pulisya ang mga kaanak ni Tagal para sumuko ito dahil sila man daw ay napeperwisyo na sa masamang gawain ng suspek.
Ayon sa asawa ng suspek, 2016 nang lumaya ang kaniyang mister sa bilibid matapos makulong nang 13 taon dahil sa kasong robbery.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang batang biktima na may kasamang lalaki dakong 9:41 am nitong Lunes na nagpunta sa ilalim ng tulay.
Pero pagkalipas ng 16 na minuto, mag-isa na lang lumabas ang lalaki.
Ang batang biktima, nakita kinalaunan ng isang napadaan sa lugar. Tila agaw-buhay na ito pero nagawa pang makapagsalita kaya isinugod sa ospital.
Masusing binabantayan ngayon ng mga pulis ang biktima sa ospital para sa seguridad nito.-- FRJ, GMA News
