Isang lalaking nakiusyoso lamang umano sa isang burol sa Quezon City ang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang salarin hanggang sa mamatay.
Ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles, nangyari ang pamamaril sa Barangay Batasan Hills.
Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, sinabing nakikiusyoso lang ang biktima sa mga nagsusugal sa lamay ilang minuto bago ang krimen.
Isang lalaki raw na nakasuot ng face mask at nakasakay sa motorsiklo ang salarin.
Nagtamo ang biktima, na hindi pa nakikilala, ng mga tama ng bala sa ulo, braso at tagiliran.
Pahayag ni purok leader Marife dela Cruz, "Nagising ako narinig ko na yung anim na putok. So pagdungaw ko rito nagbulabugan na yung mga tao so hindi na namin alam kung ano ang nangyari talaga."
Dagdag niya, aalamin niya mula sa barangay ang pangalan, edad, at kung taga-saan ang biktima na dayo lamang umano sa lugar.
Narekober ng mga tauhan ng SOCO ang limang basyo ng bala mula sa crime scene. —LBG, GMA News
