Nahuli-cam ang pagpuntirya ng dalawang kabataang magnanakaw sa isang truck na nakahinto sa kalsada dahil sa mabigat na daloy ng trapiko sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita kung paano pilit na hinahatak ng dalawang kabataang lalaki ang toolbox ng truck.

Nang hindi umubra ang paghatak, ilang ulit namang pinagtatadyakan ang toolbox. Napansin din ng uploader ng video na may hawak na patalim ang isa sa mga ito.

Wala na raw nagawa ang pahinante ng truck pero bandang huli ay umusad na ang mga sasakyan at hindi rin natangay ng dalawang bata ang toolbox dahil nakakandado ito sa truck.

Lumipat na lang umano sa ibang sasakyan ang dalawa.

Ayon sa uploader ng video, may iba pang mga kabataang umaakyat sa mga truck na nagdadaan sa lugar.

Hiling niya sa mga awtoridad, paigtingin sana ang police visibility para na rin sa kaligtasan ng mga motorista. —LDF, GMA News