Muling nadakip ang isang dating tindero ng isda sa Quezon City dahil sa pagtutulak umano ng shabu na "pampasipag" at "pampapogi" raw niya.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabi ni Renato Mendoza, “Ginagamit ko ho talaga 'yan para pagka-na-lowbatt ho ako, medyo lumakas po ulit yung katawan ko.”
Inamin din niya na kagagamit lang niya ng droga bago siya nahuli.
Naaresto si Mendoza sa isang buy-bust operation sa Barangay Pasong Tamo matapos mabilhan ng P200 na shabu ng mga operatiba. Nakumpiska rin sa kanya ang apat na sachet ng umano’y shabu.
Nakulong na ang suspek noong 2016 at nakalaya nito lang nakaraang Setyembre.
“Isa sa tulak talaga. Nahuli na rin 'yan noong una sa pagtutulak,” sabi ni Nestor Del Rosario na isang tanod.
Mga tindero ng isda at tricycle driver daw ang ilan sa mga parokyano ni Mendoza.
Ayon naman sa suspek, napilitan siyang magbenta ng shabu dahil mas malaki ang kita niya rito.
“Para may maipakain lang po ako sa pamilya ko po,” sabi ni Mendoza. -- Joviland Rita/FRJ, GMA News
