Nagturuan ang dalawang suspect sa karumal-dumal na pagpatay sa tatlong mag-i-ina sa San Jose Del Monte, Bulacan bago sumailalim sila sa pag-inquest. 

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing bago nito tikom pa ang mga bibig nina Wilson Nosal at Joselito Cortez tungkol sa krimen noong mga nakaraang araw bago humarap sa piskalya.

"Wala naman po talaga ako kinalaman doon eh. Ito po talaga ang pumatay 'yung kasama ko," sabi ni Nosal.

"Sinungaling po siya. Siya po ang promotor po diyan. Sinakal niya po, kumuha pa siya ng wire," ayon naman kay Cortez.

Natagpuang duguan at wala nang buhay ang mag-iinang sina Jaymee Casabuena 28, at mga anak na sina Gabriel, 8-anyos at, Joaquin Mateo, 5-anyos Miyerkoles ng gabi.

Maririnig ang galit ng mga kaanak ng mga biktima kahit sa labas ng tanggapan ng City Prosecutors Office at ang iba pa sa kanila, hindi na napigilang maluha sa sobrang sama ng loob.

Iniharap sa presscon sina Nosal at Cortez matapos sumailalim sa inquest, at dito na sila humingi ng tawad.

"Humihingi po kami ng tawad at pagsisisi po namin," sabi ni Cortez.

"Dahil po sa droga po," sabi naman ni Nosal nang tanungin kung bakit nila nagawa ang pagpatay.

Ngunit walang kapatawaran ang ginawa nilang krimen, ayon kay Jose Casabuena, ama ng mga biktima. —NB, GMA News