Naaktuhan ng isang ina ang umano'y panghahalay sa 14-anyos niyang anak ng kanilang landlord sa Navotas City, ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Kwento ng ina ng biktima, lumabas lang siya para mangutang sa kapitbahay ng pambili ng bigas nitong Biyernes. Pagbalik niya, naabutan niyang patay na ang ilaw at nakaawang ang pintuan ng kanilang bahay.
Pagbukas niya ng pinto, naaktuhan daw niya na may ginagawa umanong kahalayan ang matanda.
“Nakababa na po 'yung pang-ibaba niya. Dali-dali po siya labas. Sabi niya po sa akin, huwag daw po ako maingay dahil baka raw malaman ng asawa niya,” sabi ng ina.
“'Anong ginawa mo sa anak ko?' ‘Huwag kang maingay. 'Yung anak mo 'yung nag-ano sa akin dito.’ Sabi ko, 'Paano nangyari 'yun e 'yung anak ko natutulog?” dagdag pa niya.
Isinumbong ng ina sa pulisya ang kanilang landlord na kinilalang si Elizer Villacarlos, 73 anyos.
Tinanggi ng suspek na hinalay niya ang dalaga.
"Hindi naman rape, yayakap-yakap lang,” sabi ni Villacarlos.
Ayon pa sa ina, hindi raw ito ang unang beses na hinalay ng suspek ang kanyang anak. Unang beses daw pinagsamantalahan ang kanyang anak noong Marso 28. Pinilit pa raw niya ang kanyang anak na magtapat sa kanya.
Pursigidong maghain ng kasong two counts of rape ang pamilya ng biktima laban kay Villlacarlos.
“Sana mabulok ka diyan. Wala kang kuwenta. Ang laki ng tiwala namin sa 'yo, tapos ganyan ang ginawa mo sa anak ko,” sabi ng ina ng biktima. —Joviland Rita/KG, GMA News
