Hinihinala na napagkamalan lang ng suspek ang 17-anyos na dalagita na kaniyang pinagbabaril sa Tondo, Maynila habang bumibili ng pagkain. Bago raw kasi ang pamamaril, tinawag ng salarin sa ibang pangalan ang biktima.



Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, labis ang pagdadalamhati ng ginang na si Desiree Cordero sa sinapit ng kaniyang anak na si Ronalyn Jamon, na pinagbabaril malapit lang sa kanilang bahay nitong Linggo ng madaling araw.

Ayon kay Cordero, isang araw bago ang trahediya, masaya pa nilang pinag-uusapan ang pangarap nitong maipagdiwang ang 18th birthday ng anak sa darating na Hunyo.

Isa lang po pangarap niya, magkaroon po siya ng debut sa birthday niya kaya po sumali siya sa paluwagan sa amin," umiiyak na pahayag ng ginang.

Pero hindi na ito mangyayari matapos na pagbabarilin ng isang lalaki na burdado ng tattoo si Jamon.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang salarin na lumapit sa biktima at naglabas ng baril na itinutok sa biktima.

Tinawag daw ng salarin na "Juanabie" si Jamon bago dahan-dahan na lumayo. Pero ilang saglit lang, bumalik ang salarin at doon na pinagbabaril ang biktima.

Ayon kay Cordero, may kilala siyang "Juanabie" na kasingkatawan at kaayos din ng buhok ng kaniyang anak.

Batay naman umano sa impormasyon na natanggap ng pulisya, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Reynaldo Magdaluyo, MPD-Station 1, na umorder o binagsakan ng bulto ng droga pero hindi nakapagbayad.

"Nakikiusap tayo sa kaniya na kung maaari magpakita siya o sumurender siya, makipag-ugnayan sa aming tanggapan para sumailalim siya sa aming protective custody," panawagan ni Magdaluyo kay "Juanabie."

Sa follow-up operation, nadakip ng mga awtoridad ang sinasabing look-out sa krimen na si Alfie Cubelo, tumangging magbigay ng pahayag.

Patuloy naman ang operasyon para mahanap ang salarin. --FRJ, GMA News