Tinanggihan ng mga awtoridad sa The Netherlands ang hiling na asylum ng isang Pinoy na HIV advocate.

Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, nakatanggap ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay ang film producer na si Faustine Luell Angeles dahil sa pagbuo ng short film na may kinalaman sa HIV at iligal na droga.

Nagpunta raw siya sa The Netherlands para hilinging patirahin siya roon kahit na hindi siya citizen at walang ibang kuwalipikasyon.

"Maraming tao na living with HIV ang takot na mag-seek ng treatment because they are drug users," ayon kay Angeles.

"Because of that na pagiging vocal, nakaka-receive ako ng threats from the police side, from other people. And I no longer feel safe in the country so kailangan ko umalis kasi kung hindi baka ako naman ang mapatay katulad ng ibang human rights defenders natin," he added.

Aalamin daw ng Philippine National Police (PNP) kung tunay ang alegasyon ni Angeles.

"We will check with our police community affairs kung mayroong ganu'ng impormasyon," ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Police Colonel Bernard Banac.

Bagama't na-deny ang request ni Angeles nitong ika-1 ng Abril, magkakaroon pa ng susunod na pagdinig sa korte para sa kaniyang apela sa darating na ika-6 ng Mayo.

"I will definitely push for it. Pag bumalik ako 'di ko alam mangyayari sa'kin," sabi ni Angeles.

Panawagan niya sa gobyerno, bigyan ng karampatang atensyong medikal ang mga taong may HIV na nakikipaglaban din sa adiksyon sa droga. —Dona Magsino/LDF, GMA News