Arestado ang dalawang carnapper sa Marilao, Bulacan matapos silang matunton ng mga pulis sa tulong ng GPS device na nakakabit sa tinangay nilang sasakyan.

Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, tinangay ng mga suspek ang van sa Pasay City gamit ang isang duplicate key.

Nang sundan ang GPS, naaktuhan ng mga awtoridad ang dalawa habang binabaklas ang mga bahagi ng ninakaw na van.

"'Yung GPS po sa kasalukuyan po, mula po ng aming marating ang mga kinaroroonan nitong mga suspek ay nakita po naming halos sira na po at kanila po sigurong sinisira para hindi na po ma-locate 'yung sinasabing sasakyan," ayon kay Police Captain Edgardo Tongol ng Marilao Police.

Nahulihan din ng ilang sachet ng hinihinalang shabu ang mga suspek.

Giit ng dalawang umano'y carnapper, napag-utusan lang silang magdala at magbantay ng naturang van sa lugar.

Patuloy pang tinutugis ng mga pulis ang "Mike" na itinuturo ng dalawang suspek na umano'y nag-utos sa kanila.

Nahaharap ang dalawa sa kasong carnapping at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.  —Dona Magsino/NB, GMA News