Nilinaw ngayon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na hindi pinapatay ng Korte Suprema ang Filipino sa desisyon nitong alisin ito at ang Panitikan sa core subjects sa kolehiyo.

Magugunitang pinanigan ng Korte Suprema ang utos ng Commission on Higher Education (CHED) na huwag nang gawing core o required subject ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo dahil itinuturo na ito sa primary at secondary education.

Ayon kay KWF Chair at National Artist Virgilio Almario, ang pumapatay sa pambansang wika ay ang mga paaralang kusang nagtanggal na ng Filipino bilang kurso o subject at pumili sa Ingles bilang medium of instruction.

“Wala namang sinabi ang Supreme Court na patayin ang Filipino. So yung pumapatay, hindi yung Supreme Court kundi yung mga administrators ng colleges and universities,” paliwanag ni Almario.

“Tayo naman ay hindi laban sa Ingles. Pero yung tinututulan natin ay yung pangyayari na Ingles lang ang kailangang maging medium of instruction,” dagdag pa ni Almario.

“Some administrators of colleges and universities betrayed their preference for English and dismantled their Filipino departments. Clearly, these actions were not in the CHED memorandum and more importantly, against the spirit of the language provision of the 1987 Constitution,” sabi naman ni KWF Director General Anna Katarina Rodriguez.

Idiniin pa ni Almario na nakasaad sa Konstitusyon na dapat pagyamanin ang pambansang wika.

“Hindi naman puwedeng salungatin mo yung gusto ng Constitution. Ang gusto ng Constitution ay ma-develop ang national language as a medium of instruction or language of education,” ayon kay Almario.

“Sasabihin nating hindi paglabag [sa Constitution]. Katulad ng argumento ni [Supreme Court] Justice [Marvic] Leonen, may academic freedom ang mga universities and colleges. At bahagi ng academic freedom yung kanilang desisyon kung anong kurso ang kanilang ipatuturo sa kanilang university,” dagdag pa niya.

Ani pa ni Almario, marami nang nakalatag na hakbang ang KWF para patuloy na isulong ang pagpapayabong sa pambansang wika. Kasama rito ang pag-amyenda sa Republic Act 7104 na lumikha sa KWF para mas mapalakas ang komisyon, pagkausap sa asosasyon ng mga state universities and colleges para hingin sa kanilang gamitin ang Filipino sa pagtuturo, at pag-alok ng libreng “retooling” sa mga guro ng Filipino para makapagturo sila ng ibang kurso gamit ang pambansang wika.

Sinabi pa ni Almario na noon pang 2014, sinulatan na rin nila ang CHED para isulong ang apat na bagay - ang patuloy na pagtuturo sa Filipino, ang pagtuturo ng hindi bababa sa apat na General Education o GE subjects sa Filipino, ang retooling ng mga guro at paghikayat sa mga gurong gamitin ang Filipino sa kanilang kurso.

Sabi ni Almario, walang naging tugon ang CHED. —KBK, GMA News