Namatay ang isang-buwang gulang na sanggol habang nasugatan naman ang kanyang ina matapos mabundol ng rumaragasang pampasaherong jeep sa Navotas City.
Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" ngayong Lunes, karga ng inang kinilalang si Angelica Esija Mariano ang kanyang anak at pinapaarawan lamang malapit sa kanilang tahanan nang banggain sila ng matulin na jeep. Ayon sa pulisya, nakatalikod ang ina kaya hindi nito napansin na mabubundol na sila.
Karimarimarim na ang sumunod na eksena dahil nagulungan pa ng jeep ang sanggol.
Ayon rin sa pulisya at mga saksi, nagulungan rin ng jeep ang balikat ng 22-anyos na ina ng bata, maliban sa tinamo niyang sugat sa braso, balikat, ulo at parehong binti.
Nakadagdag pa sa kalbaryo ni Mariano ang tahi niya sa tiyan dahil katatapos lang niya sumailalim sa caesarian procedure noong ipinanganak niya ang kanyang anak na pinangalanan niyang Kaehl noong isang buwan.
Kinilala ng mga pulis ang driver ng jeep na si Reynaldo Cantero.
Umiiyak na humingi ng tawad si Cantero sa pamilya ng kanyang biktima at umamin na ibiniyahe niya ang jeep kahit palyado ito.
Nalaman din ng pulisya na peke ang driver's license ni Cantero.
Nahaharap na sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and physical injury si Cantero.
Ang biktima na si Mariano ay nagpapagaling pa sa ospital ngunit hindi pa rin makausap.
Ang nasawing sanggol naman ay nakaburol na sa isang chapel sa Navotas. —Llanesca Panti/LDF, GMA News
