Isang sanggol na 21-araw na gulang pa lamang ang nasawi matapos maiwan sa nasusunog nilang bahay sa Atimonan, Quezon.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng ina ng sanggol na nagising na lamang siya na nasusunog na ang malaking parte ng kanilang bahay sa Barangay Lubi.
Dahil sa pagkataranta ng ina, naiwan niya ang kaniyang sanggol sa loob ng bahay.
Agad na kumalat ang apoy at tuluyang natupok ang bahay na gawa sa light materials.
May kalayuan din umano ang lugar sa mga bumbero kaya hindi kaagad nakaresponde ang mga ito.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng Bureau of Fire Protection sa pinagmulan ng sunog. -- Jamil Santos/GMA News
