Nag-viral ang mga litrato ng isang bus driver at anak na may special needs na isinama niya sa kanyang pamamasada, ayon sa ulat ng Unang Balita ng nitong Huwebes.

Maraming netizen ang naantig sa kuwento nina Tatay Antonio at anak niyang Joshua Antoquia dahil sa bonding nila habang namamasada.

Ayon kay Tatay Antonio, ginagaya daw kasi ni Joshua ang mga sinasabi ng konduktor sa biyahe.

“Noong araw na yun tumatakbo kaming papuntang Alabang. Tuwing sigaw ng konduktor, uulitin di niya: ‘Lapit sa pinto a. O dahan-dahan, ingat,” sabi ni Antonio.

Nang nasa kahabaan na sila ng EDSA, hiniling daw ni Joshua na tumabi kay Tatay Antonio sa driver seat.

“Sabi niya. ‘Pa, lipat ako dyan.’ Eh di lipat siya. Eh nagmamaneho ako, pinabayaan ko lang,” kuwento niya.

Pangalawa sa apat na magkakapatid si Joshua, pero ito raw ang pinakamalambing sa lahat. Ayon sa ina ni Joshua na si Virgilia, sumasama lang daw ang anak kapag meron siyang mga paninda.

Habang magkatabi ang mag-ama, kumakanta daw si Joshua kaya sinasabayan siya ni Tatay Antonio. Nakunan ng isang pasahero ang tagpong ito na kanya namang in-upload sa Facebook.

Sabi ng uploader na si Marivic Ando Natividad, marami raw kinukwento si Joshua kay Tatay Antonio. Kahit abala sa pamamaneho, pinakikinggan daw itong mabuti ng ama.

“To all the fathers out there, thank you for all the sacrifices you’ve made for us…Thank you for being superman for your family, for being a good provider and for trying your best to be the best father in the world. We appreciate that truly,” anang caption ng mga litrato

Nakakuha ng mahigit 100,000 na reactions at 35, 000 na shares ang post ni Natividad sa ngayon. —Joviland Rita/KBK, GMA News