Basang-basa, puno ng putik at may sugat sa noo nang matagpuan sa ilog sa Quezon City ang isang anim na taong na babaeng may autism matapos siyang mapaulat na nawawala. Ang bata, mahigit 24 oras nakababad sa tubig matapos umanong mahulog sa kanilang bahay.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing Lunes ng gabi pa nawawala ang bata na maiwan sa kanilang bahay kasama ang guardian.

Galing sa trabaho, lubos ang pag-aalala ng ina ng bata na si Sandra Tabian, nang malaman na nawawala ang kaniyang anak.

Nanawagan na siya sa social media para mapadali ang paghanap sa bata.

"May natanggap akong balita na 'yung anak ko raw sinama ng matandang babae... Pati sa 911 tumawag kami, wala po eh walang update... Chineck namin 'yung mga CCTV within the vicinity wala po kaming nakitang bata na lumabas sa CCTV," saad ni Tabian.

Martes ng hapon nang maisip ni Tabian na posibleng sa bintana ng kanilang bahay dumaan ang anak at nahulog sa mabatong ilog sa likuran ng kanilang compound.

Sinuyod ng Philippine Coast Guard ang kahabaan ng ilog noon ding araw na iyon hanggang sa makita ang bata makalipas ng ilang oras na paghahanap.

Sinabi ng mga rescuer na mahigit 24 oras nang nakababad sa tubig ang bata na nagtamo ng malalim na sugat sa noo na posibleng tumama raw sa semento nang mahulog sa creek.

"Noong makita ko ang anak ko sa ospital grabe po talaga kasi 'yung hitsura ng balat na nababad sa tubig nang sobrang tagal. Nginig na nginig ang anak ko tapos dehydrated na nga po," sabi pa ni Tabian.

Sumailalim na sa x-ray ang bata at wala namang nakitang nabaling buto sa kaniya. Pero hinihintay pa ang resulta ng CT scan at under observation pa kaya hindi pa makakalabas ng ospital.

Nagpasalamat si Tabian sa bayanihan ng mga taong tumulong na mahanap ang kaniyang anak.

"Pasalamat na lang din po kami kasi kung umulan talaga kasi apaw po ang tubig diyan sobrang taas po, malamang sa malamang po hindi ko na po makita talaga," saad niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News