Nasawi ang suspek sa panghoholdap sa Maynila na siyang naghulog daw sa isang babaeng pasahero sa jeep, matapos siyang mang-agaw umano ng baril ng babaeng pulis sa Manila Police District (MPD).

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balitanghali Weekend," sinabing iniimbestigahan ngayon ng MPD ang pagkakapaslang kay Enrique Lugtu nitong Biyernes sa loob mismo ng investigation room ng Station 3 sa Sta. Cruz.

Nangyari ang insidente habang kinukunan ng finger print si Lugtu, kung saan napilitan siyang barilin ng isang pulis sa pang-aagaw niya raw ng baril.

Nadakip si Lugtu sa isinagawang anti-criminality drive sa Blumentritt nang mahulihan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Kasama niyang naaresto si Geoffrey Magdadaro na isang jeepney driver.

Ayon sa mga awtoridad, magkasabwat ang dalawa sa insidente ng panghoholdap noong Mayo 26 sa Dimasalang Street.

Makikita sa CCTV ang pagdaan ng isang jeep sa lugar hanggang sa tumilapon na lamang ang babae na kinilalang si Emelita Legnes.

Nakagagalaw pa ang biktima at nakatayo pa nang lapitan ng mga residente at pulis.

"Mabilis ang takbo ng jeep, tumilapon siya makita mong malakas ang pagkatulak eh. Bumagsak siya patihaya, pumihit siyang ganu'n," ayon kay Lourdes Egea, chairman ng Brgy. 371 Maynila.

Lumabas sa imbestigasyon na si Lugtu umano ang nagtulak kay Legnes sa jeep.

Namatay si Legnes ilang araw matapos ang insidente dahil sa mga pinsalang tinamo.

Pinaghahanap na ng pulisya ang isa pang kasabwat nina Lugtu at Magdadaro.

Iginiit naman ng pulisya na dumepensa lamang sila sa tangka raw na pang-aagaw ni Lugtu ng baril.

Iimbestigahan pa rin ng MPD-Internal Affairs Service ang insidente, kasama sina Corporal Analyn San Victores, ang pulis na inagawan ng baril, at si Corporal Rhrisnel Vidanes, nakabaril naman kay Lugtu.

May ginagawa na ring hiwalay na imbestigasyon ang MPD Homicide Section.

"Welcome naman po lahat para mag-imbestiga sa insidenteng ito, of course including the CHR. But we consider the presumption of regularity in the performance of duty unless proven in contrary," sabi ni Lieutenant Colonel Carlo Manuel, tagapagsalita ng MPD. — Jamil Santos/MDM, GMA News